Sa 2 counts ng electoral sabotage: Ex-Comelec Chairman Abalos, abswelto
MANILA, Philippines – Inabswelto kahapon ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) si dating Commission on Election (Comelec) Chairman Benjamin Abalos kaugnay sa kasong 2 counts ng electoral sabotage.
Sa walong pahinang desisyon na inilabas ni Pasay City RTC Branch 112 Judge Jesus Mupas, pinawalang sala nito si Abalos makaraang mapatunayang walang naganap na sabwatan o walang nangyaring usapan sa pagitan nina Abalos at dating North Cotabato Election Officer Yogie Martirizar.
Si Martirizar ang iniharap na testigo ng Comelec laban kay Abalos. Ala-1:30 ng hapon isinagawa ang pagbasa sa hatol laban kay Abalos kung saan kasama nito ang buong pwersa ng kanyang pamilya na nagbunyi sa naging hatol.
Sinasabing si Abalos ay sangkot umano sa dayaan noong 2007 election sa North Cotabato na nagresulta ng pagkapanalo ng Team Unity ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo. Tatlong taong isinagawa ang pagdinig sa kaso.
Nabatid na noong Setyembre 2014 ay naunang pinawalang sala ni Pasay City RTC Judge Eugenio dela Cruz, ng Branch 117 si Abalos hinggil sa kaso naman nitong 11 counts electoral sabotage na isinampa rin ng Comelec.
Disyembre 7, 2011 nang sampahan ng kasong electoral sabotage si Abalos kasama sina dating Pangulong Arroyo, dating Maguindanao election supervisor Lintang Bidol bilang mga kapwa akusado nito.
- Latest