2 patay, 1 sugatan sa pamamaril sa Tondo
MANILA, Philippines - Kapwa patay ang isang tricycle driver at rumespondeng security guard sa balang pinakawalan ng isang hindi pa kilalang gunman sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Unang biktima ng pamamaril ang isang Fernando Gloria, 52, tricycle driver, na hindi na umabot nang buhay sa Mary Johnston Hospital dahil sa tinamong bala sa ulo.
Dead-on-the-spot naman dahil sa bala na tinamo sa dibdib ang security guard ng Pinoy Lodge na si Justino Garredo Jr., 39, ng Hawk Security Agency at nakatalaga sa nasabing motel na matatagpuan sa Moriones St., Tondo, Maynila.
Sugatan naman dahil sa ligaw na bala ang kahera ng hotel na si Marieta Padilla, 45, dalaga.
Kabilang sa hawak na ebidensiya ng Manila Police District Homicide Section ang closed circuit television (CCTV) footage ng nasabing motel, kung saan natunghayan ang hitsura ng suspek at ang kaganapan.
Inilarawan ang hindi pa kilalang gunman sa edad 25 hanggang 30, 5’5’’ ang taas, payat, nakasuot ng bull cap, sleeveless shirt na may kumbinasyong puti at itim, shortpants na puti na armado ng 9mm kalibreng baril.
Sa ulat ni PO2 Dennis Turla kay Homicide chief, Insp. Steve Casimiro, dakong alas-4:45 ng madaling-araw nang maganap ang nasabing insidente sa bisinidad ng Pinoy Lodge.
Sa inisyal na imbestigasyon, natutulog sa kanyang ipinapasadang tricycle ang biktimang si Gloria nang malapitang barilin sa ulo ng suspek at mabilis na nagtatakbo papasok sa naturang hotel na katapat lamang ng Pinoy Lodge sa Plaza Moriones.
Nasaksihan naman ng sekyu ang ginawang pamamaril ng suspek kaya hinabol ito at pinaputukan ng tatlong ulit gamit ang 38 kalibreng pistola subalit hindi tinamaan ang suspek hanggang sa makapagkubli ang suspek at nang makatiyempo ay niresbakan ng putok ng baril ang sekyu.
Nakatakas ang suspect bitbit ang ginamit na baril sa krimen maging ang service firearm ng napatay niyang guwardiya.
- Latest