Suporta sa 72 dialysis patient, tiniyak
MANILA, Philippines - Tiniyak ng pamunuan ng Manila Dialysis Center na tuluy-tuloy ang kanilang suporta sa 72 dialysis patients.
Ang paniniyak ay ginawa ni Dr. Luisa Aquino, Director ng MDC at Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center kasabay ng pahayag na ang lahat ng tulong ay ibibigay sa mga pasyente at may orange card.
Ayon kay Aquino, layon ni Manila Mayor Joseph Estrada na maibsan ang gastos at hirap hindi lamang ng mga pasyente kundi maging ng mga pamilya nito na nahaharap sa mahal na pagpapa-dialysis.
Bagama’t malaking halaga ang ginugugol sa mga pasyente, sinabi ni Aquino sisikapin ng city government na matustusan ang pangangailangan ng MDC.
Aniya, maituturing na legacy ito ni Estrada gayundin ng may bahay nitong si dating Senador Loi Estrada.
Matatandaang sinabi ng alkalde na ito na ang sagot sa mga dialysis patients upang mabigyan ng dagdag na taon ang kanilang mga buhay. Paliwanag ni Aquino ang dialysis ay lifetime kaya’t kailangan din ang tuluy-tuloy na suporta ng city government.
Nabatid na ilan sa mga pasyente ay dalawang beses kada linggo nagpapa-dialysis.
Nakapagbibigay din ng tulong ang PhilHealth at Philippine Charity Sweepstakes Office sa mga dialysis patients. (Doris Franche-Borja)
- Latest