MANILA, Philippines – Dinakip ang isang miyembro ng Philippine Army na bodyguard matapos mamataan ng mga pulis na may sukbit na kalibre .9mm na baril habang hinihintay ang pagdating ni Pope Francis sa Mall of Asia (MOA) Arena, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Habang isang guwardya rin ang inaresto nang makumpiskahan naman ng toy gun.
Nasa custody ngayon ng Pasay City Police detention cell ang suspek na si Staff Sergeant Raymundo Nobleza, nakatalaga sa First Scout Ranger sa Camp Tecson, San Miguel Bulacan at naninirahan sa Palar Village, Makati City.
Base sa isinumiteng report kay Senior Supt. Sidney Sultan Hernia, hepe ng Pasay City Police, alas-4:30 ng hapon nang masita ang naturang sundalo sa kahabaan ng Bucaneg St., CCP Complex, Pasay City habang hinihintay ang pagdaan ng convoy ng Santo Papa patungo sa MOA Arena para dumalo sa gaganapin na ‘Encounter with Families’ dahil sukbit nito sa kanyang beywang ang naturang kalibre ng baril.
Sa isinagawang pag-aresto ng mga pulis, hindi naman pumalag si Nobleza, na sinabi nitong nakisabay lamang umano siya sa pagluwas sa Maynila ni Baliuag Bulacan Mayor Carolina Dellosa, na dadalo rin sa aktibidades ng Santo Papa sa MOA Arena.
Dinakip din ng pulisya si Jeoffrey Agan, 34, ng Brgy. Sucat, Muntinlupa City.
Sa report ng pulisya, naganap ang insidente ala-1:30 ng hapon sa kanto ng Macapagal at Seaside Boulevard ng naturang lungsod.
Minamaneho ng suspek ang kanyang motorsiklo at habang binabagtas nito ang naturang lugar ay hinarang ito ng mga pulis na naka-deploy dito.
Isinailalim ito sa inspeksyon kung saan nakita sa dala nitong bag ang isang toy gun na replica ng kalibre .45 baril. Kaagad na dinakip ang suspek at dinala ito sa himpilan ng pulisya.
Katuwiran ng suspek, na kabibili lamang niya ang nasabing toy gun at ito ay kanyang ipapasalubong sa bunsong anak na lalaki.
Kahit nagpaliwanag na si Agan sa mga pulis ay ikinulong pa rin ito dahil sa kanyang paglabag sa City Ordinance na ipinatupad na ipinagbabawal ang pagbitbit ng anumang armas sa panahon ng pagbisita ng Santo Papa.