MANILA, Philippines – Nahaharap sa kasong kriminal ang isang airport police matapos masakoteng may dalang baril habang sumisilip sa pagdaan ng Santo Papa sa Pasay City kagabi.
Kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act si Corporal Virgilio Perez, miyembro ng Manila International Airport Authority (MIAA) Police Department.
Ayon sa imbestigasyon, tumawid sa Domestic Road sa Pasay City ang 61-anyos na si Perez upang makalapit sa motorcade ni Pope Francis bandang 6:30 kagabi.
Naharang ang airport police dahil sa suot na backpack kung saan isinailalim ito sa inspeksyon.
Nabawi kay Perez ang kanyang 9mm service firearm, magazine at mga bala.
Off-duty ang suspek nang masakote.