MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang depresyon dahil nakabuntis ng babae ang isa sa motibo kaya nagpasalubong kay kamatayan ang 27-anyos na mister matapos itong magbigti sa kanilang bahay sa kasagsagan ng selebrasyon ng Bagong Taon sa Quezon City.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Joey Ventura, motorcycle mechanic at nakatira sa Brgy. Commonwealth sa nasabing lungsod.
Base sa police report, ang bangkay ng biktima ay nadiskubre ng kanyang kapatid na si Jaime bandang alas-12 ng hatinggabi.
Huling namataang buhay ang biktima na nag-iisang pumasok ng kanyang kuwarto habang naghahanda ang kanyang mga kapatid sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sinasabing may nabuntis na babae ang biktima kung saan ilang buwan ang nakalipas ay nanganak na ito pero ipinagkakait ng babae na makita ang bata.(Ricky Tulipat)