800 bahay naabo: 3 patay
MANILA, Philippines - Umabot sa 800 kabahayan ang nilamon ng apoy kung saan tatlo ang namatay habang lima naman ang sugatan sa naganap na sunog sa Brgy. Apolonio Samson sa Quezon City kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat na nakarating kay Bureau of Fire Protection Quezon City Fire marshal Supt. Jesus Fernandez, kinilala ang mga namatay na sina Evangeline Nicosia, 16; Arnold Tusi, 50; at Tirso Romano, 39; habang sugatan naman sina Paul Manuel, miyembro ng pamatay-sunog sa QC at Rommel Balmaceda, 30.
Si Manuel ay isinugod sa Chinese General Hospital matapos na maputulan ng kanyang kamay nang mahulog ito sa bubungan dahil sa pagsabog ng tangke ng liquified petroleum gas (LPG) habang sinusubukang apulain ang apoy.
Ayon kay Bureau of Fire Protection Metro Manila head P/Senior Supt. Sergio Soriano, nagsimula ang sunog sa bahay ni Janine Lopez kung saan pumasok ang kuwitis na sinidihan ng di-kilalang lalaki.
Dahil sa kawalan ng tao sa bahay ni Lopez ay lumaki ang apoy hanggang sa kumalat sa kalapit na barong-barong sa residential area sa Babang Ilog, Kaingin Bukid. Idineklarang fire-out ang nasabing sunog bandang alas-12:45 ng tanghali na nagsimula ang sunog bandang alas-6:45 ng umaga kung saan naapektuhan ang 2,000 pamilya.
Samantala, inilikas naman ang naapektuhan ng sunog sa mga covered court sa nasabing barangay.
- Latest