Erap nag-gift giving sa MCJ, Tondo residents

MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng kanyang nakaugalian taun-taon, nagsagawa ng gift giving si Manila Mayor Joseph Estrada sa mga preso sa Manila City Jail, bahay ampunan at  ilang mga  lugar sa lungsod.

Umaabot sa 3,600 na mga preso, babae at lalaki ang nabigyan ng grocery items na magagamit ng kanilang mga pamilya  upang  ihanda sa bisperas ng Bagong­ Taon.

Ayon kay  Estrada, ang kanyang pamamahagi ng  grocery items at ilang mga damit ay indikasyon lamang na hindi niya nalilimutan ang  mga nasa  Maynila.

Aniya, bagama’t na­ka­kulong ang mga ito, may karapatan pa rin ang mga ito na ipagdiwang at gunitain ang Bagong Taon sa simpleng­ pamamaraan.

Lubos naman ang kasiyahan at pasasalamat ng mga  MCJ inmates kay Estrada­  sa pagsasabing hindi ito nakakalimot sa kanila.

Pinayuhan din nito ang pamunuan ng MCJ na maki­pag-ugnayan sa kanya, sakaling may problema at kailangan ang  MCJ.

Samantala, una nang nagsagawa ng gift giving sa Damas de Pilipinas, ang  bahay ampunan na nasunog at ipina-renovate ng alkalde.

Ayon kay Estrada, ma­raming bata ang natulungan ng Damas kaya’t hindi  niya ito maaaring pabayaan. Ang mga batang nasa ampunan ay may mga pangarap din na  kailangan na suportahan  ng  pamahalaan.

Hindi rin nakalimutan ng  alkalde ang pamamahagi ng grocery items sa mga re­sidente na nagtungo sa Baseco Sports Complex, Delpan Sports Complex, Tondo Sports Complex, Smokey Mountain at Patricia Sports Complex.

Show comments