MANILA, Philippines - Timbog ang dalawang kilabot na miyembro ng ‘Bukas kotse’ gang ilang segundo makaraang biktimahin ng mga ito ang sasakyan ng isang residente sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Senior Supt. Joel Pagdilao ang mga suspect na sina Reymond Atienza, 38, at llan Alvarez, 32, kapwa ng Sarmiento St., Novaliches, Quezon City.
Sa ulat ni Supt. Dennis de Leon, hepe ng Police Station 5, nadakip ang mga suspect makaraang tangayin ng mga ito ang wallet at cellphone ng biktimang si Eduard Casidsid na nakalagay sa loob ng kanyang kotse.
Diumano, alas-8:30 ng umaga nang iparada ni Casidsid ang kanyang Mitsubishi Adventure sa may tabi ng kalye sa kahabaan ng Belfast St., Brgy. Greater Lagro, para mag-jogging sa Neopolitan Commercial lot.
Hindi pa nakakaikot si Casidsid ay nang biglang tumunog ang alarma ng kanyang sasakyan dahilan para balikan niya ito, hanggang sa makita ang mga suspect na nagmamadali palabas ng kanyang kotse at nagtatakbo tangay ang kanyang pitaka at cellphone.
Tiyempong nagpapatrulya naman ang tropa ng PS-5 sa lugar nang makita ang patakas na mga suspect saka hinabol ang mga ito at maaresto.
Narekober sa mga suspect ang wallet ng biktima na may lamang P300,00 at isang HTC cellphone na halagang P13,000.