‘Wala akong nilabag na batas trapiko’ – Maserati driver
MANILA, Philippines – Ipinagtanggol ng negosyanteng nasangkot sa away trapiko sa isang enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang kanyang sarili kahapon.
Iginiit ni Joseph Rusell Ingco na nang mangyari ang insidente ay wala siyang nilabag na batas trapiko kaya hindi hiningi ng MMDA traffif enforcer ang kanyang lisensya. Sinabi nito na imbes hulihin ay pinatigil siya ng enforcer saka kinompronta habang kinukunan ng video sa pamamagitan ng cellphone.
Tinukoy ni Ingco si MMDA traffic constable Jorby Adriatico, na ayon sa negosyante ay siyang nagsimula ng gulo dahil sa pagiging arogante at mapang-abuso.
Nilinaw ni Ingco na nirerespeto niya ang traffic authorities dahil kilala niya ang karamihan sa mga ito na masipag sa trabaho at ginagawa ng tama ang tungkulin. Gayunman, kakaiba aniya ang naka-engkwentro niyang enforcer dahil mayabang, mapang-abuso at mainitin ang ulo ni Adriatico.
Aniya, matapos niyang tabigin ang cellphone ng enforcer habang kinukunan siya ng video sa mukha na naging dahilan kaya nahulog ang cellphone ay uminit ang ulo ni Adriatico at sinigawan siya nito at sinaktan siya sa mukha at braso habang nasa loob siya ng sasakyan.
“He started to pull me out of my car that’s why I tried to drive off but slowly just to escape from him. Hindi ko po siya kinaladkad. Siya ang ayaw bumitaw sa akin at hinihila ako palabas kaya nga po napunit at nahubad ang t-shirt na suot ko,” ayon kay Ingco.
Gayunpaman, humingi ng paumanhin si Ingco sa anumang sinapit ni Adriatico. “Kung nasaktan ko po siya, hindi ko po sinasadya dahil kami po ay nagbubunuan. Pero nasa kanya po iyon kung gusto niyang kumalas dahil ako po ay nakaupo lang sa loob ng kotse,” paliwanag pa nito.
Hinimok naman ni Ingco ang mga awtoridad na imbestigahan si Adriatico dahil hindi ito umaakto ng tama bilang MMDA traffic enforcer habang naka-duty.
Hinamon naman ng mga abogado ni Ingco na si Atty. Ed Padernal ang MMDA na ipasailalim si Adriatico sa psychiatric at anger management tests upang malaman kung fit at kwalipikado pa itong maging traffic enforcer.
- Latest