Mapua stude kinuyog ng 6 na La Salista
MANILA, Philippines – Kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad ang anim na sinasabing estudyante ng De La Salle University at diumano’y miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity matapos pagtulungang bugbugin at saksakin ng basag na bote ang kanang mata ng isang 20-anyos na pamangkin ng isang photo journalist sa isang bar sa Malate, Maynila kamakalawa ng gabi.
Naka-confine sa Manila Doctors’ Hospital ang biktimang si Lance Vicoy, graduating student ng Mapua Institute of Technology at residente ng Grand Towers sa Pablo Ocampo St., Malate, na sumailalim na sa surgical operation ang kanang mata. Inaalam pa ang pagkilanlan ng mga suspek.
Nabatid kay Ali Vicoy, photographer ng Manila Bulletin, ikalawang araw pa lang sa nasabing pagamutan ng kanyang pamangkin ay umaabot na ang bill sa P800,000 at ang pinakagrabe aniya, ay ang pagkasira ng tubo na dinadaanan ng luha ng biktima, kaya permanente na umanong dadaloy ang luha at palaging basa ang mata at mukha ng biktima.
Nabatid na sa isang linggo ay nakatakda sana ang pagtungo sa Estados Unidos ng biktima subalit malabo na umanong matuloy dahil sa pinsala na tinamo nito.
Batay sa inihaing reklamo sa tanggapan ni P/Supt. Romeo Odrada, hepe ng Manila Police District-station 9, dakong 11:30 ng gabi nitong Biyernes nang maganap ang insidente sa loob ng Beach House Resto Bar sa Agno St., sa likuran ng De La Salle University, sa Malate.
Nabatid na ang kasama ng biktima na si Enzo, 17- anyos, ang unang kinursunada ng mga suspek kaya nagtatakbo ito papasok sa bar at inawat lamang ng biktima at pinakiusapan ang mga suspek na ‘pag-usapan na lang natin yan pare’.
Sa halip na tumigil, pinalibutan ang biktima at pinagbubugbog at isa ang nagbasag ng bote at ipinalo sa mata ng biktima na naging dahilan upang mawasak ang talukap at masugatan ang loob nito.
- Latest