Chinese national, tiklo sa 5 kilo ng shabu

MANILA, Philippines - Isa na namang Chinese national ang naaresto ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) matapos na makuhanan ng aabot sa limang kilo ng shabu sa isang buy-bust operation sa lungsod, kahapon.

Kinilala ni QCPD director Senior Supt. Joel Pagdilao ang suspect na si Jiacheng Shi, alyas Joseph Sy at Boy Intsik, 33, tubong Fujian,­ China at nani­nirahan sa  Escolta St., Binondo, Manila.

Ayon kay Pagdilao, ang shabu na nakuha sa suspect ay nasa kabuuang halagang P20 milyon at ang mga ito ay nakabalot ng tipak-tipak sa lalagyan ng kape.

Naaresto ang suspect ng tropa ni Senior Insp. Robert Razon,hepe ng District Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (DAID-SOTG) sa isinagawang buy-bust operation sa kahabaan ng Masaya St., malapit sa panulukan ng Maginhawa St., Brgy. Capitol Site, ganap na alas-7:20 ng umaga.

Dito ay nakipag-transaksyon ang tropa ni Razon sa suspect na bibili ng isang kilo ng shabu at nagkasundo na magkita sa naturang lugar.

Isang poseur-buyer ng DAID ang ginamit para makipagpalitan ng items sa suspect kung saan na­ganap ang pag-aresto.

Ayon pa kay Pagdilao, isang kilo lang ang target nila sa buy-bust nang madiskubre nilang may apat pang kilo ng ilegal na droga na nakatago sa itim na sasakyang Mazda (POA-949) ng suspect.

Nakapiit ngayon ang suspect sa DAID-SOTG sa Camp Karingal at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa section 5 at 11 (possesion of prohibited/dangerous drugs) sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang comprehensive dangerous drugs act of 2002.

Show comments