MANILA, Philippines – Isa na namang tauhan ng pulisya at kasabwat nito ang nadakip matapos makuhanan ng CCTV na kinakarnap ang isang motorsiklo sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Nakakulong ngayon sa Pasay City Police ang suspek na si P01 Andrew Nicholas Pangan, 27, nakatalaga sa Central Park Police Community Precinct (PCP)-5, Pasay City Police, at kasabwat nitong si Mark Edward Santos, 31.
Base sa report na nakarating sa tanggapan ni Senior Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City Police, alas-8:00 ng gabi nang karnapin ng dalawang suspek ang isang bagong Yamaha Mio Sport na nakaparada sa parking area ng ground floor ng Central Park Condominium na matatagpuan sa D. Jorge St., M. Dela Cruz St., ng nasabing lungsod.
Napag-alaman na ipinarada sa naturang lugar ng biktimang si Miguel Vincent, 22, noong Agosto 30 sa lugar ang motosiklo makaraang umuwi siya sa kanilang probinsiya.
Pagbalik ng biktima sa tinutuluyang condominium alas-8:00 kamakalawa ng gabi ay wala na ang kanyang motorsiklo at pinuntahan nito ang mga guwardya upang tanungin kung nasaan ang motorsiklo nito.
Sinabi umano sa kanya ng guwardya na puntahan niya ito sa PCP 5, Pasay City Police dahil ang motorsiklo ay kinuha ng isang pulis at isang lalaki na kasama nito.
Lumalabas sa video footage na nakuhanan ng CCTV, nakita na si PO1 Pangan at kasabwat nito ang kumuha ng naturang motorsiklo.
Dito na dinisarmahan ni Inspector Jose Mari Jasmin, commander ng PCP 5, Pasay City Police ang naturang suspek at kasama sa inaresto ang kasama nitong si Santos.
Kamakailan sa naturang presinto rin ay tatlong pulis ang nasangkot sa panghoholdap kung saan nadakip ang dalawa dito.