^

Metro

Caloocan Vice Mayor, 7 konsehal nagpiyansa

Danilo Garcia - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines – Nagpiyansa sina Caloocan City Vice Mayor Macario Asistio at pito pang mga konsehal ng Sangguniang Panglungsod ng Caloocan kaugnay ng kasong “contempt” na isinampa sa kanila ng isang huwes ng Caloocan City Regional Trial Court.

Kinumpirma ng Caloocan Public Information Office ang paghahain ng piyansa nina Asistio,  1st District Councilors Aurora Henson, Karina Teh, Dean Asistio, Jay Afrika at District 2 Councilors Rose Mercado, Roberto Samson at Liga ng mga Barangay chairman Dale Malapitan.

Tanging mga abogado na lamang umano ng mga konsehal ang nagtungo sa sala ni Caloocan RTC Branch 125 Judge Dionisio Sison sa paghahain ng piyansa dahil sa nagpakita na sina Asistio at mga konsehal sa huwes noong Oktubre 27.

Matatandaan na mistulang nilusob ng buong konseho ang Caloocan Hall of Justice kasama ang daan-daang mga tagasuporta.  Pagdating sa loob ng opisina ni Judge Sison ay naglagak agad ng piyansa sina Konsehal Susan Punzalan, Marylou Nubla, Luis Chito Abel, Allen Aruelo, Tolentino Bagus, at Carolyn Cunanan.

Nag-ugat ang kasong “contempt” na isinampa ni Judge Sison makaraang mabigo ang konseho na bumuo ng isang ordinansa upang bayaran ang higit 6,000 metro kuwadradong lupain na nakuha noon pang 1996 sa Maysilo, Caloocan City na nagkakahalaga ngayon ng P134 milyon.

Sinabi ni Konsehal Henson na tila paghihiganti umano ang paglalaan ng napakataas na piyansa ng hukom na maituturing na pagganti sa halip na tunay na gawain ng korte.  Huwag umanong sisihin silang mga konsehal kung pinagdududahan nila ang motibo ng huwes dahil sa napakataas na halaga ng ipinataw na piyansa.

Sa kasalukuyan, hinihintay ngayon ng konseho ang desisyong maaaring ilabas ng Court of Appeals makaraang idulog na nila dito ang usapin sa pagbabayad sa naturang lupain.  Iginigiit ng mga konsehal na sa kanilang kaisipan, nasa P101 milyon lamang ang dapat bayaran base sa regular na interes habang kailangan ring sumangguni pa sa Commission on Audit (COA).

Sa huli, kung matutuloy ang pagbabayad ng P134 milyon, sinabi ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na ang 300 mahihirap na pamilya na nakatira ngayon sa naturang lupain ang papa­san sa naturang halaga na babayaran nila sa loob ng mahabang panahon.

ALLEN ARUELO

ASISTIO

CALOOCAN

CALOOCAN CITY

CALOOCAN CITY MAYOR OSCAR MALAPITAN

CALOOCAN CITY REGIONAL TRIAL COURT

CALOOCAN CITY VICE MAYOR MACARIO ASISTIO

CALOOCAN HALL OF JUSTICE

JUDGE SISON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with