Kelot dedo sa parak na kapitbahay
MANILA, Philippines - Patay ang isang 36-anyos na lalaki nang barilin sa likod ng kaniyang kapitbahay na pulis na nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na dating kaalitan sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Isang bala sa likod na tumagos sa harapan at bumutas sa atay ang ikinasawi ng biktimang kinilalang si Alaska Sanchez, residente ng Honorio Lopez Boulevard, Balut, Tondo.
Agad namang naaresto ng mga tauhan ng pulisya ang suspek na kinilalang si PO1 Riad Fernando, nakatalaga umano sa NCRPO at nakatira sa naturang lugar.
Sa ulat, naganap ang pamamaril dakong alas-6 ng umaga sa mismong kuwarto ng biktima, kung saan kapitkuwarto niya ang suspect na parak.
Pinasok umano ng suspek ang bahay ng biktima at walang sabi-sabing pinagbabaril. Isinugod sa Tondo Medical Center ang biktima pero hindi na rin naisalba ang buhay nito.
Nabatid na nang magtungo kahapon ang mga pulis sa bahay ng suspek ay inabutan pa ito na natutulog kung saan ito dinakip.
Sa impormasyon, ang suspek at biktima ay dati nang may alitan dahil naging dahilan ang biktima kung kaya nasuspinde noon sa trabaho ang nasabing pulis. Pinakahuli umano ang paninita ng suspek sa biktima na pabalik-balik diumano sa bahay ng kung saan kumukuha at gumagamit ng iligal na droga.
May impormasyon din na ang suspek umano ay ‘tinabla’ ng isang grupo dahil nais gumamit ng iligal na droga at ibinaling ang galit sa biktima.
- Latest