15-anyos na pumatay sa may-ari ng bahay, tiklo
MANILA, Philippines – Dahil sa paglabag sa curfew, nadakip ng pulisya ang 15-anyos na lalaki na sinasabing sangkot sa pagpatay at pagnanakaw sa isang misis sa Camarines Sur kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.
Itinago sa pangalang Rene ang suspek na ngayon ay nasa custody ng Taguig City PNP at pinag-aaralan ng pulisya kung ililipat sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Base sa police report, bandang alas-12 ng madaling-araw nang madakip ang suspek sa Barangay Bicutan dahil sa paglabag nito ng curfew hour.
Habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya, nadiskubre na ang suspek ay sangkot sa pagpatay at pagnanakaw sa biktimang si Alicia Anastacio sa loob ng bahay nito sa bayan ng Nabua, Camarines Sur noong nakalipas na linggo.
Nagtamo ng apat na saksak ang biktima bago tumakas ang suspek patungong Taguig City upang magtago at takasan ang ginawang krimen.
Inamin naman ng suspek ang krimeng ginawa nito.
- Latest