Demand sa kandila tataas

MANILA, Philippines – Inaasahang tataas ang demand ng kandila dahil sa nalalapit na Undas.

Kaugnay nito, ipinaalala ng Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko  na may inilabas na itong suggested retail price (SRP) para maging gabay ng mga mamimili sa tamang presyuhan ng mga kandila.

Sinabi ni DTI Consumer Protection Group Undersecretary Atty. Victorio Dimagiba maraming brand ng kandila ang maaaring pagpipilian na higit aniyang mas mura kaysa sa mga kilalang brand.

Nabatid sa  DTI na ang 20 pirasong Liwanag Esperma #3 ay may presyong  P43.75, habang ang Liwanag Esperma #5 ay may presyong  P60.75.

Samantala, ang Manila Wax Esperma #2 (white) ay nabibili sa presyong  P44.75      para sa sampung pirasong pack habang  ang 20 pirasong  Esperma #3 ay may presyong­  P54.75. Maari umanong makita ang buong listahan ng SRP para sa iba’t ibang brand ng kandila sa website ng ahensiya na www.dti.gov.ph.

Kapag may mahuli umanong sumobra  sa presyong itinakda ng SRP, ipinapayo ng DTI na  i-report agad sa kanilang pinakamalapit na tanggapan o itawag sa kanilang hotline na 751 3330.

Samantala, sa presyo naman ng bulaklak na inaasahang mataas rin ang demand sa nalalapit na Undas ay binabantayan rin ng ahensiya  upang masigurong hindi naman sobra sobra ang pagsirit ng presyo nito bagkus mapanatili ang isang makatwiran at resonableng presyuhan.

Show comments