MANILA, Philippines – Putol na riles na naman ang itinuturong dahilan ng panibagong aberyang naganap sa Metro Rail Transit (MRT-3), kahapon ng umaga.
Maraming commuters ang nagpasyang gumamit na lamang ng ibang transportasyon matapos na masira na naman ang riles sa pagitan ng Santolan at Ortigas sections (north-bound) pasado alas-5:47.
Ayon kay MRT-3 officer-in-charge (OIC) Renato San Jose, pansamantalang naging limitado rin ang operasyon ng MRT-3 sa EDSA line o mula Shaw Blvd. hanggang Taft Avenue habang sinosolusyunan ang naturang problema.
Naibalik namang muli ang full operation ng MRT-3 pagsapit ng alas-6:45 ng umaga.
Oktubre 2 ng umaga nang mapilitan ang pamunuan ng MRT na limitahan ang biyahe ng mga tren nito matapos na mapansing putol ang riles sa south-bound lane malapit sa Boni Station.
Kaagad rin naman itong sinolusyunan ng pamunuan ng MRT-3.