MANILA, Philippines – Sinibak ni Manila Police District (MPD) director, Chief Supt. Rolando Asuncion ang hepe ng Anti-Carnapping and Hijacking Unit kabilang ang pitong tauhan nito bunsod na rin ng reklamong pangongotong sa isang Pakistani national noong Setyembre 19.
Kasabay nito, ipinaaaresto rin ni Asuncion sina P/Senior Insp. Rommel Geneblazo at mga tauhan na sina SPO1’s Michael Dingding, Gerry Rivera, Jay-An Pertubos, Jonathan Moreno, PO2s Renato Ochinang at Marvin de la Cruz.
Itinalaga naman ni Asuncion si Senior Insp. Francisco Vargas, na dating hepe ng MPD-Theft and Robbery kapalit ni Geneblazo.
Ang kautusan ni Asuncion laban kay Geneblazo at pitong tauhan ay nag-ugat sa reklamo ng negosyanteng si Kamran Khan Dawood, 39, ng Platinum 2000 Annapolis St. San Juan City.
Batay sa imbestigasyon nina SPO1 Donald Panaligan at PO3 Rodel Benitez, ng MPD-General Assignment and Investigation Section, hinuli ng mga pulis pasado ala-1 ng madaling-araw noong Biyernes sa harap ng Manila Pavillon sa Ermita, Manila si Dawood dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa carnapping.
Ibinebenta umano ng biktima ang apat na sasakyan kabilang ang tatlong Toyota Camry at isang Mazda 523.
Dinala umano ang biktima kasama ang lima pang kaibigan sa Ancar kung saan tinakot at hiningan umano ng mga pulis ng P300,000 hanggang sa magkasundo sa halagang P100,000.
Sa kabila ng pagbibigay ng P100,000 ay pinigil pa rin ng mga pulis ang itim na Toyota Camry na may plakang XPN-274 dahil kinakailangan pa itong beripikahin.
Ikinuwento ng biktima ang sinapit niya sa kamay ng mga pulis sa kanyang kaibigan na pulis-Crame na siyang tumulong sa kanya na makapagreklamo sa MPD-GAIS.
Positibo namang kinilala ng biktima ang mga pulis na nangotong sa kanya. Inatasan din ni Asuncion si Senior Insp. Arsenio Riparip, hepe ng MPD-GAIS na laliman ang imbestigasyon upang malaman ang lawak ng operasyon ng mga pulis na sangkot sa pangongotong. Sasampahan ng kasong robbery extortion ang mga pulis na sangkot.