Para trapik maibsan: Task Force Pantalan, binuo
MANILA, Philippines - Para resolbahin ang matinding trapik at congestion sa pantalan ng Maynila, bumuo ng isang task force ang pamahalaan.
Nabatid na bandang alas-11:00 ng umaga nagpulong at nagkaisa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) National Capital Region Police Office, (NRCPO), Department of Public Works and Highway (DPWH) North Luzon Expressway (NLEX) at mga lokal na pamahalaan ng Caloocan, Navotas, Malabon at Maynila para magpatupad ng limang counterflow mula sa bahagi ng Caloocan patungo sa Road 10 at Delpan sa Maynila.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino, simula kahapon (Sabado) sinimulan ang pagpapatupad ng limang counterflow na posibleng magtagal ito hanggang Setyembre 21.
Ayon dito, isasara rin ang isang toll plaza sa NLEX north-bound para makapag-counterflow ang ilang pribadong sasakyan at bus palabas ng expressway patungong Camachile at Monumento.
Nabatid pa kay Tolentino, handa rin ang NLEX na magpagamit ng shuttle bus para maghatid ng ilang pasaherong maiipit sa trapiko palabas ng Baesa dahil sa inaasahan pang pagbigat ng trapiko sa susunod pang mga araw.
Binanggit din ni Tolentino na gagawin nang dalawa ang truck lanes sa Road 10 at sa Navotas City area kaya dapat aniya dalawa na rin ang puwesto ng Philippine Ports Authority (PPA) na magpoproseso ng dokumento ng mga papasok na truck sa pier.
Nabatid na si Chief Supt. Allen Bantolo ng NCRPO ang itinalagang pinuno ng binuong ‘Task Force Pantalan’ base sa napagkasunduan sa ginanap na pagpupulong.
Muling nilinaw ni MMDA Chairman Tolentino na wala silang ipinatutupad na ‘one truck lane policy’ sa Caloocan dahil nakabinbin pa ito sa konseho.
Nauna nang nagturuan at nagsisihan ang mga ahensiya dahil sa matinding trapiko ang naranasan sa NLEX noong Biyernes pa lamang ng umaga hanggang kahapon ng madaling araw.
Samantala, iritang-irita pa rin ang maraming motorista dahil sa muling pagbigat ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng south bound lane ng North Luzon Expressway (NLEx) kahapon, araw ng Sabado.
Sa monitoring ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Metro Base, nabatid na alas-4:00 ng madaling araw pa lang nagsimula na ang trapik ng mga sasakyan mula sa area ng Balintawak at umabot ito ng dalawang kilometro.
Pagsapit ng alas-6:00 ng umaga, kalahating kilometro na lamang ay aabot na ang dulo nito sa mismong Balintawak toll plaza ng NLEX.
- Latest