MANILA, Philippines - Pitong tauhan ng Manila Police District- Station 4 ang inakusahan ng ‘hulidap’ ng isang delivery boy at isang mekaniko sa magkahiwalay na insidente sa lungsod.
Sa ulat ni S/Insp. Arsenio Riparip, hepe ng MPD- General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), kabilang sa mga inireklamo sina S/Insp. Adolfo Balayo, hepe ng España Police Community Precinct; PO1 Roestrell Ocampo, PO2 Masigan Bragais at apat na iba pang pulis na di pa tinukoy ang pangalan.
Sinabi ni Riparip ay muli niyang ipinatawag si Balayo matapos ang panibagong reklamong inihain dito kaugnay sa extortion.
Agosto 14, 2014 nang magreklamo ang isang Harries Estrada, 21, delivery boy laban sa mga pulis.
Nabatid na sinita umano siya ng mga suspek at hinanapan ng permit sa dalang LPG nang walang maipakita ay dinala siya sa nasabing PCP.
Una umanong hiningan siya ng halagang P20,000-P30,000 hanggang sa bumaba sa P5,000 kapalit ng kalayaan. Maliban sa P5,000 kotong, inoobliga pa umano siyang magbigay ng lingguhan sa halagang P500-1,000.
Kamakalawa ng gabi, isang Mark John Gamboa, mekaniko ang sinita rin habang kumakain sa bulaluhan sa España.
Pinaratangan umano siya ng mga parak na karnaper at may dalang shabu. Natakot umano siyang makulong kaya nagawang magbigay ng P40,000.
Una nang humarap si Balayo sa GAIS noong Agosto 18 at positibo siyang itinuro ng biktima.
Gayunman, nang muling ipatawag noong Agosto 25, ay hindi na pumunta sina Balayo dahilan para ituloy ang pagsasampa ng kasong unlawful arrest, arbitrary detention, robbery extortion at paglabag sa Antigraft and Corruption laban sa kanila sa Manila Prosecutors Office.