Bgy. Chairman todas sa tandem
MANILA, Philippines - Patay sa pananambang ang Chairman ng Bgy. 209, Zone 19, District 3 ng Maynila nang barilin sa mukha ng riding in tandem habang nakahinto ang kotse nito sa panulukan ng Lacson at Dapitan Sts., sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng hatinggabi.
Naisugod pa sa University of Sto. Tomas (UST) Hospital ang biktimang si Rodrigo Cruz, 59, ng no. 2636 Severino Reyes St., Sta. Cruz, Maynila dahil sa tama ng bala sa mukha na naglagos sa tagilirang bahagi ng ulo.
Sa ulat ni SPO1 John Charles Duran ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-11:50 ng hatinggabi habang nakahimpil ang Isuzu DMax (ZEG123) ng biktima dahil red ang traffic light sa panulukan ng Lacson at Dapitan Sts.
Nasa passenger side nakaupo ang biktima na minamaneho ni Danilo dela Cruz, 47, kasama si Norelito Taruca, 50, na opisyal din ng barangay, ang nakaupo sa likod.
Hinihinalang binubuntutan na ang sasakyan at puntirya umano ng dalawang suspek na kapwa nakasuot ng helmet na magka-angkas sa isang motorsiklo ang biktima.
Bigla na lamang umanong sumulpot ang motorsiklo at sinalubong saka pinaputukan ang bahagi ng sasakyan ng biktima.
Dahil sa malakas na putok, nataranta si Dela Cruz, na nagtamo din ng mga sugat sa braso dahil sa mga bubog ng salamin na tumama sa kaniya.
Agad nitong binuksan ang lock ng likod na bahagi ng sasakyan upang makalabas si Taruca at nagtatakbo palayo sa sasakyan upang makahingi ng saklolo.
Nang makitang nag-“U-turn” ang mga suspek sa direksiyon ng Lacson St. ay binalikan ang biktima at dinala sa ospital.
Patuloy umanong iniimbestigahan ang insidente para matukoy ang posibleng motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga suspek.
- Latest