Pagpapalit ng riles ng LRT-1, aabutin ng 2-taon
MANILA, Philippines - Inaasahang aabutin ng dalawang taon ang gagawing pagpapalit ng riles ng Light Rail Transit (LRT-1) na nakatakdang simulan sa Disyembre ng taong ito.
Ayon kay Atty. Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRT Authority at ng Metro Rail Transit (MRT-3), ang railroad track replacement ay bahagi ng pagsusumikap ng pamahalaan na makapagbigay ng de-kalidad na transportasyon sa bansa.
Inaasahan umanong aabutin ng dalawang buwan o hanggang sa katapusan ng Oktubre bago tuluyang mai-deliver ang mga parts na gagamitin sa proyekto.
Sisimulan naman ang P270 milyong proyekto sa Disyembre 5, na sasakop sa mga riles sa may 20 istasyon o mula Baclaran hanggang Monumento.
Bukod naman dito, plano na rin ng LRT-1 na mag-expand pa ng railways sa pamamagitan nang pagdaragdag ng walong bagong istasyon.
Samantala, ang tren naman ng LRT-1 ang dumanas ng problema kahapon.
Nabatid na nagbaba lamang ng pasahero sa Pedro Gil Station ang isang north-bound train ng LRT-1 ganap na alas-10:30 ng umaga ngunit hindi na nakaalis pa ng naturang istasyon dahil ayaw nang sumara ang mga pintuan nito.
Dahil dito, naapektuhan ang operasyon ng LRT-1 at napilitan ang pamunuan ng LRT-1 na pababain na lamang ang kanilang mga pasahero para makahanap ng ilang masasakyan patungo sa kani-kanilang destinasyon. Kaagad namang inasikaso ng mga tauhan ng LRT-1 ang problema upang maibalik sa normal ang operasyon.
- Latest