MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si ABAKADA Rep. Jonathan dela Cruz ng isang agaran at malawakang imbestigasyon ng Kongreso sa operasyon ng Metro Rail Transit (MRT) matapos ang biglaang pagtigil ng buong linya nito noong Sabado mula North Ave sa Quezon City hanggang sa EDSA Rotonda sa Pasay City.
Sinabi ni dela Cruz na dapat isama sa imbestigasyon ang MRT at maging ang Department of Transportation and Communications (DOTC) dahil hindi nakinig ang mga ito sa babala ng House Independent Minority Bloc na naghihintay nang maaksidente ang MRT dahil sa miserableng kundisyon nito na bunsod ng sigalot sa pag-aari.
Hiningi rin ni dela Cruz ang agarang suspensyon ng lahat ng opisyal at tauhan ng MRT na may naging papel sa kwestiyonableng pagbibigay ng kontrata sa operations at maintenance (O&M) sa isang hindi kilalang kumpanya, ang Global ?Inc.-Autre Porte Technique consortium.
Pinuna ni dela Cruz na wala nang narinig na anuman mula sa DOTC at MRT matapos kwestiyunin ng iba’t ibang sektor ang kontrata at payagan na basta na lamang magbitiw si noo’y MRT General Manager Al Vitangcol matapos itong akusahan ng tangkang pangingikil ng US$30 million sa kumpanya ng tren na Inekon ng Czechoslovakia.
Kinwestiyon ni dela Cruz kung bakit hindi magalaw o mapagsabihan man lang ng DOTC at MRT ang Global, na tumatanggap ng P57 milyon isang buwan o P1.9 milyon sa isang araw para panatilihing maayos at ligtas ang mga tren?