MANILA, Philippines - Kinidnap ang isang 3-taong gulang na batang lalaki ng kaniyang yaya na isa umanong bading sa San Andres, Malate, Maynila.
Sa reklamong idinulog kay PO3 Adonis Aguila ng Manila Police District-General Assignment Section ng mag-asawang sina Jayson Jervoso, 30; at Jessel Lazarna, 28, ng BF Muñoz St., San Andres, Manila, Biyernes umano ng alas-2:45 ng hapon nang maglaho ang suspek na si Esmeraldo Operario, kasabay ng pagkawala ng kanilang anak na si Miguel.
May 2 buwan pa lamang umano na namamasukan bilang tagapag-alaga ng kanilang anak ang suspek na anila dahil sa tagaroon din ito sa kanilang lugar kaya pinagkatiwala nila rito ang kanilang anak at mabait umano ito sa kanila.
Sa pagkawala ng suspect at ng kanilang anak ay kasabay ding nawala ang ilan nilang mahahalagang gamit tulad ng cellphone at Ipod habang sila ay nasa trabaho.
Nadiskubre nila na kababalik lamang sa kanilang lugar ng suspek dahil may 10 taon umano itong namalagi sa lalawigan ng Bicol.
Ayon sa MPD-GAS, ang mga magulang ng biktima ay piniling ituloy ang reklamo sa Anti-Kidnapping Group ng Philippine National Police headquarters sa Camp Crame para sa pagsukol sa suspek at mabawi ang kanilang anak.