MANILA, Philippines - Isang pulis at pito pa niyang kasama na sinasabing miyembro ng ‘Gapos gang’ ang naaresto ng mga tauhan ng Pasig City Police, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Chief Supt. Mario Rariza hepe ng Eastern Police District (EPD) ang mga nadakip na suspek na sina SPO1 Rolando Baltazar at mga kasamang sina Rhandy Marcellano, 32, Roderick Marcellano, 41, Rhoda Marcellano, 36, Enrico Espinoza, 25; Jessie Malicdem, 32; Edgar Giangan, 33 at Myrna Cilo 40.
Ayon sa ulat, naaresto ang mga suspek sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Executive Judge Danilo S. Cruz ng Pasig RTC Branch 152 dahil sa kasong pagnanakaw.
Sinasabing kilabot na miyembro ng ‘Gapos gang’ ang mga nabanggit.
Ganap na alas-5:15 ng hapon kamakalawa nang dakpin ng mga awtoridad ang mga suspek sa kanilang hide-out sa P. Licsi St, Brgy. Caniogan kung saan nakuha sa mga ito ang ilang sachet ng shabu, baril, bala at granada.
Sinasabing modus ng grupo ang manloob sa mga target nilang kabahayan kung saan igagapos ang mga biktima saka mangungulimbat sa buong kabahayan.
Nakakulong ngayon sa Pasig PNP ang mga suspek at inihahanda na ang kaso laban sa kanila.