Misis patay sa selosong mister
MANILA, Philippines - Isang ginang ang pinatay sa saksak ng kanyang mister matapos magselos ang huli nang ipagmalaki at sabihin ng una na may ibang tao nang nakakaunawa sa kanya kahapon ng umaga sa Pasay City.
Dead-on-arrival sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktimang si Vilma Velazquez, 36, nakatira sa Kuyegkeng St., Zone 1, Brgy. 2 ng naturang lungsod sanhi ng tinamong limang saksak ng ice pick sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nasa custody naman ng Pasay City Police ang suspek na mister na si Freddie Velazquez.
Batay sa isinagawang imbestigasyon nina PO3 Giovanni Arcinue at SPO1 Cris Gabutin, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-6:30 ng umaga sa loob ng bahay ng mag-asawang Velazquez sa Zone 1, Brgy. 2 ng naturang lungsod.
Base sa pahayag ng suspek na si Freddie sa pulisya, gabi pa lamang aniya ay walang tigil na ang pag-aaway nilang mag-asawa dahil sa mga sinasabi sa kanya ng kanyang misis. May binabanggit pa umano itong tao na puwede umano silang buhayin.
Kung kaya’t dahil sa sama ng loob ay umalis na lamang ng bahay ang suspek upang hindi na umano humaba pa ang kanilang pag-aaway.
Makalipas ang ilang oras lasing na lasing na bumalik ng bahay ang suspek na kung saan nadatnan nito ang kanyang limang anak at misis na natutulog na.
Dahil sa kalasingan at sama ng loob ay ginising ng suspek ang biktima at muling kinompronta at pilit na pinapaamin kung sino ang taong ipinagmamalaki nito.
Hanggang sa muling nag-away ang mag-asawa at sa kalagitnaan ng pagtatalo ay dinampot ng suspect ang isang ice pick at sunud-sunod na inundayan ng saksak ang misis.
Mabilis namang isinugod ng mga kapitbahay ang biktima sa nasabing pagamutan subalit hindi na ito umabot ng buhay.
Ang suspek naman ay agad na sumuko kay Joel Savarez, Brgy. kagawad at agad naman itong dinala sa himpilan ng pulisya.
Katwiran ng suspek sa pulisya ay nagdilim lamang ang kanyang paningin dahil sa matinding selos.
Samantala sasampahan ng kasong parricide ang suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office.
- Latest