Karnaper kumana uli sa Quezon City

MANILA, Philippines - Isang sports utility vehicle (SUV) ang tinangay ng hinihinalang mga karnaper sa  Barangay Sto Cristo, lungsod Quezon, kahapon ng umaga.

Ayon kay PO2 Neil Estinopo ng Quezon City Police District-Anti Carnapping Unit, ang insidente ay nabatid makaraang personal na dumulog sa kanilang himpilan ang biktimang nagpatago sa pangalang Romeo na residente sa Brgy. Sto Cristo sa lungsod, para magreklamo.

Base sa pahayag ng biktima, natangay umano ng mga karnaper ang kanyang Toyota Innova (UHO-490) habang nakaparada sa harap ng kanilang bahay.

Bago ito, alas-10 ng gabi nang huli nilang makita ang sasakyan matapos nilang iparada ng kanyang asawa sa tapat ng kanilang bahay  bago matulog. Kinabukasan, nang tignan ng biktima ang kanyang sasakyan ay wala na ito sa nasabing lugar.

Dagdag ni Estinopo, nagsagawa na nang ocular investigation ang kanilang tropa sa lugar at inaalam kung sino ang posibleng nakakita sa pagtangay dito.

Gayunman, ayon sa mga biktima, walang closed circuit television (CCTV) camera sa kanilang lugar, kaya prob­lema anila ang pagtunton sa mga suspek.

Show comments