2 taxi driver hinoldap: 1 patay, 1 kritikal

MANILA, Philippines - Todas ang isang taxi driver makaraang pagsasaksakin ng hindi pa nakikilalang mga holdaper na bumiktima sa kanya sa Pasig City kahapon ng madaling-araw.

Nakilala ang biktima sa pamamagitan ng nakuhang ID sa kanyang bulsa na si Gil Juego, 39, ng Brgy. Culiat, Quezon City.

Batay sa ulat ng Pasig City Police, nabatid na nadiskubre ang bangkay ng biktima, bago mag-alas-4:00 ng madaling-araw na tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng kayang katawan sa loob ng puting Rain and Yohan taxi (UWG-487).

Nakitang nakaparada ng mga residente ang taxi sa Jenny’s Extension corner Eusebio Avenue, Barangay San Miguel, Pasig City at nang lapitan ito ay nakitang duguang nakadapa sa unahan  ng passenger seat ang biktima at wala ng buhay.

Malaki ang hinala ng pulisya na nanlaban ang biktima­ dahil sa mga nakitang sugat at galos sa kanyang­ braso at katawan.

Nawawala rin ang pitaka at perang kinita ng biktima sa kanyang magdamag na pamamasada.

Samantala, isa pa ring  taxi driver ang nasa kritikal na kondisyon sa ospital makaraang pagsasaksakin din ng dalawang kabataang humoldap sa kanya sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Nakilala sa pamamagitan ng kanyang lisensya ang taxi driver na si Jun-Jun Recaña, 31, ng Jome Transport at residente sa Paradise Heights, Balut Tondo Manila.

Base sa mga testigo ang mga suspek ay pawang kabataang nasa edad 20, pataas.

Nangyari ang insidente sa may Sct. Madrinean St., Brgy South Triangle, ganap na alas-12:35 ng madaling-araw. Lumilitaw na nakipagpambuno rin ang biktima sa mga suspek nang siya ay hinoholdap kung kaya napilitang pagsasaksakin ito . (Mer Layson at  Ricky Tulipat)

Show comments