Biyuda huli sa abortive pills
MANILA, Philippines - Arestado ang isang biyuda matapos na mahulihan ng iba’t ibang uri ng pampalaglag sa Quiapo, Maynila.
Ayon kay Plaza Miranda-PCP Commander, Insp. Rommel Anicete, umaabot sa 338 na mga tabletas ng abortive pills ang nakuha kay Carmelita Artates, 59 ng no. 920 Rosarito St. Sampaloc, Maynila.
Batay sa imbestigasyon, alas-3 ng hapon noong Hunyo 25 nang magsagawa ng clearing operation sina PO3 Joseph Almayda at PO2 Joseph Ryan Talaguit ng Plaza Miranda PCP sa panulukan ng Carriedo at Palma Sts., sa Quiapo.
Pinakiusapan ng dalawang pulis ang mga vendor na iatras ang kanilang mga paninda dahil wala nang madaanan ang mga tao. Sumunod naman ang mga vendor maliban sa suspek hanggang sa magkaroon ng hatakan at nakuha ang 88 piraso ng 50 milligrams at 200 micrograms ng Arthrotec pills; 40 piraso ng Methylergometrine Maleata pills, 10 piraso ng Methylergometrine Oxytocic pills at 200 piraso ng iba pang uri ng pampalaglag.
Sinabi ni Anicete na mahigpit ang pagbabawal ng pagbebenta ng anumang abortive pills lalo pa’t sa paligid ito ng Quiapo church.
Ang mga nakuhang abortive pills ay dadalhin sa Food and Drugs Administration para sa laboratory analysis. Sasampahan ng kasong paglabag sa R.A 8092 (Obstruction-Illegal Vending) at R.A. 4279 (Prohibits the Sale, Dispense and Distribution of Drugs Cytotec) si Artates.
- Latest