Mahabang pila ng mga truck sa Roxas Blvd., kinondena
MANILA, Philippines - Mariing inireklamo ng mga motorista kahapon ang matinding trapik sa ilang bahagi ng Roxas Boulevard dahil sa napakahabang pila ng mga truck na papasok sa Manila International Container Port at North Harbor sa Maynila at nakadagdag pa ang ginagawang road project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa report na natanggap ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), alas-10:00 kamakalawa ng gabi nagsimula ang pila ng mga truck sa kahabaan ng Roxas Boulevard hanggang sa umabot ito sa Gil Puyat Avenue, Pasay City.
Nabatid sa MMDA, naging sanhi ito ng matinding pagsisikip ng trapiko dahil sa tagal ng proseso nang pagpasok ng mga truck sa mga pier at nakadagdag din ang ginagawang road project ng DPWH sa inner lanes ng magkabilang panig ng Roxas Boulevard mula sa Anda Circle hanggang sa paanan ng Del Pan Bridge.
Dahil ang naturang proyekto ay bahagi ng reconstruction at improvement ng Bonifacio Drive at ang pagpapalapad ng bahagi ng Anda Circle, na sinimulan ng MR Vargas Construction noong Enero 20, 2014 at tatagal hanggang Setyembre 16 ng taong kasalukuyan.
Ang naturang proyekto ay nagkakahalaga ng P70 million at bukod dito may ginagawa ding paghuhukay sa Rizal Park partikular sa harapan ng monumento ni Dr. Jose Rizal.
- Latest