Lalaki hulog sa istasyon ng MRT, lasog

Ang hindi pa kilalang lalaki na nahulog mula sa itaas ng MRT station sa Mandaluyong City. (Kuha ni Bernardo Batuigas)

MANILA, Philippines - Todas ang isang lalaki nang mahulog sa walkway ng Boni Station ng Metro Rail Transit (MRT) sa Mandaluyong, kahapon ng hapon.

Sa gitna mismo ng northbound lane ng EDSA bumagsak ang hindi pa kilalang biktima na inilarawang nasa pagitan ng 30-40 taong gulang, nakasuot lamang ng shorts at bahagyang marumi ang hitsura.

Batay sa report ng Mandaluyong City Police, pasado ala-1:00 ng hapon, bago ang insidente’y nakita pa ng security guard ng MRT ang lalaki na nakaupo sa gilid ng walkway na siyang nagsisilbing tulay.

Gayunman, nang sitahin ng guwardiya ay na­walan ng balanse ang lalaki at nahulog.

Kaagad namang nasawi ang biktima sanhi ng matinding pinsala na tinamo sa ulo at katawan.

Nagdulot din naman ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko ang in­sidente dahil dalawang lane lamang ang nadaanan ng mga motorista. 

Inaalam pa ng pulisya kung aksidente nga ang pagkahulog nito, o sadyang tumalon. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon.

 

Show comments