Sunog sumiklab sa QC, Maynila

MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa  tig P1 milyong halaga ng ari-arian ang naabo sa magkahiwalay na sunog  na naganap sa  Quezon City at Maynila.

Ayon kay Bureau of Fire Protection chief, Supt. Jesus Fernandez, nasunog ang gusali ng Delta Milling Industries na matatagpuan sa no. 102-104 E. Rodriguez Jr., Avenue, Brgy. Bagumbayan sa lungsod  na may limang palapag at may roofdeck na pag-aari ng isang Edwin Lim. 

Nagsimula ang sunog sa power room ng gusali na nasa unang palapag nito, alas 12:48 ng mada­ling araw.

Agad na nilamon ng apoy ang unang palapag, kung saan nahirapan ang mga bumbero na apulain agad ito dahil sa mga kable ng kuryente na nagpuputukan.

Gayunman, ala 1:10 ng madaling araw ay tuluyan na itong naapula, at hindi na nadamay pa ang ikalawa at ika-limang palapag ng nasabing gusali.

Umabot lamang sa ikalawang alarma ang sunog, at wala namang iniulat na nasaktan sa nasabing insidente, habang inaalam pa ang sanhi nito.

Samantala, naiwang  nakasaksak na appliances naman ang sinasabing dahilan ng sunog kamakalawa ng hapon sa  Raxabago, Tondo,  Maynila.        

Sinabi ni Manila Fire Marshal Supt. Jaime Ramirez,   nagsimula ang sunog  alas 5:04 ng hapon at naideklarang fire-out alas 5:58 na umabot lamang sa ika-apat na alarma.

Naging mabilis ang pagkalat ng apoy dahil sa kalumaan na ng mga kabahayan.

Sa ulat, nagmula umano ang apoy sa ikalawang palapag ng bahay na pag-aari ni German Bondoc subalit wala umanong  naiwang tao sa bahay nito nang maganap ang sunog na hinihinalang may naiwang nakasaksak na appliance na sanhi ng pag-spark at apoy.

Wala  namang nasawi sa sunog, ang mga nasunugan namang residente ay mana­natili muna sa bahay ng kani-kanilang mga kaanak.

 

Show comments