Sunog at pagsabog sa Army: 1 na pumanaw

MANILA, Philippines - Isa na ang nasawi sa 32 sundalo at bumbero na nasugatan sa naganap na pagsabog at sunog sa armory ng Philippine Army (PA) sa Fort Bonifacio, Taguig City noong Miyerkules ng umaga. Nabatid sa report na natanggap ng Taguig City Fire Department, alas-10:01 kahapon ng umaga nang bawian ng buhay si Corporal Bernabe Mota, ng  PA habang nilalapatan ito ng lunas sa V. Luna Hospital

Napag-alaman na 65 porsiyento ng katawan ni  Mota ang nalapnos dahilan upang bawian ito ng buhay habang dalawa pang sundalo ang nasa kritikal na kondisyon.

Nabatid na nasa 32 mga sundalo at mga bumbero ang malubhang nasugatan sa insidente na hanggang sa ngayon ay nilalapatan pa ng lunas ang mga ito sa iba’t ibang pagamutan.

Matatandaan na noong Miyerkoles ng umaga ay sumabog hanggang sa nasunog ang armory ng Philippine Army na isa sa mga anggulong iniimbestigahan ay dahil sa sobrang init ng panahon.

Show comments