17-anyos na binatilyo nagbigti

MANILA, Philippines - Isang 17-anyos na binatilyo ang nagpakamatay sa pamamagitan nang pagbibigti   sa loob ng kanilang bahay  sa Isla Puting Bato,Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay nang isugod sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) si Jayrald Guillano, bagong graduate lamang sa high school at residente ng Purok 5,  Isla Puting Bato,Tondo.

Sa ulat ni PO2 Crispino Ocampo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas- 8:30 ng gabi nang madiskubre ng kanyang ina ang ginawang pagbibigti ng anak sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

Sa naging salaysay ng ginang na si Josephine Guillano, 40, bago pumanhik ng bahay ay nagsabi pa umano  sa kaniya ang anak na  “Akyat na ko at matutulog, di ako kamukha ni tatay na pagnakainom  name­merwisyo pa”.

Hindi nagtagal ay pumanhik na rin   ang ginang na doon nakitang nakabitin na ang anak sa kisame gamit ang nylon cord.

Nagpasaklolo ang ina sa mga kapit­bahay para maibaba ito sa pagkakabigti at dinala sa nasabing pagamutan subalit wala nang buhay nang idating.

Hindi umano alam ng ginang kung anong problema ng anak at kung may kinikimkim itong galit sa ama.

Dinala ang bangkay sa Nathan Funeral para sa awtopsiya.

Show comments