Abogada, 1 pa biktima ng Ipit-Taxi

MANILA, Philippines - Isang abogada at kaibigan nito ang nabiktima ng mga miyembro ng Ipit-taxi gang sa San Juan City kamakalawa  ng gabi.

Kinilala ni San Juan City Police chief, Sr. Supt. Joselito Daniel ang mga biktima na sina Atty. Jennifer Papio at kaibigan nitong si Kristine May Rayala, 23.

Dakong alas-8 ng gabi nang maganap ang insidente  habang sakay ang mga  biktima ng isang taxi sa EDSA malapit sa VV Soliven building sa naturang lungsod.

Nagulat na lang umano ang mga biktima nang biglang pasukin sa  taxi at ipitin ng hindi kilalang mga suspek at pwersahang tangayin ang kanilang mga mahahalagang gamit tulad ng isang 19-karat diamond ring at wedding ring, gold earrings, iPad tablet at mobile phone.

Nang abandonahin ng mga suspek ang mga biktima ay saka lamang nagawa ng mga ito na magsuplong sa mga awtoridad hinggil sa krimen.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga awtoridad para sa ikadarakip ng mga suspek.

 

Show comments