Parak utas sa pagresponde

MANILA, Philippines - Utas ang isang pulis matapos  makipagbarilan sa isang lalaki sa loob ng gym ng isang paaralan  sa Pasig City, kahapon ng umaga.

Dead-on-arrival sa pa­ga­mutan ang biktima na nakilalang si SPO1 Fernan Clemente, 36, nakatalaga sa Pasig City Police sanhi ng tinamong tama ng bala ng shot gun sa katawan.

Base sa report na tinanggap ni Senior Supt. Mario Rariza, hepe ng Pasig City Police dakong alas-8:30 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa loob ng gym ng Saint Gabriel Inter­national School sa San­­­do­val Avenue, Brgy. Palatiw sa lungsod.

Sinasabing  maglalaro sana ng basketball ang biktima sa nasabing eskuwelahan nang biglang tawagin ng mga guwardiya para humingi ng tulong dahil sa nanggugulo ang anak ng may-ari ng paaralan na nakilalang si Emerson Aries­ Go.

Dahil sa alagad ng batas ang biktima ay agad itong rumesponde at paglabas nito sa loob ng nasa­bing paaralan ay bigla na lamang siyang sinalubong ni Go ng isang putok ng shot gun.

Ngunit nakailag si Cle­mente hanggang sa nakipagbarilan na ito sa na­sabing suspek.

Mabilis namang nag­responde ang dalawa pang pulis nang marinig ang putukan subalit pagdating ng mga ito sa lugar ay pi­naputukan din sila ng suspek hanggang sa nakipagpalitan na ng putok ang mga ito at doon  bumulagta si Clemente na agad naman naisugod sa pagamutan subalit hindi na ito umabot ng buhay sanhi ng tinamong tama ng shot gun sa katawan.

Nang mapatay ang pulis ay sumuko rin si Go sa mga awtoridad at ibinigay din ang kanyang ginamit na shot gun.

 

Show comments