MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ni Manila Mayor Joseph Estrada na hindi siya mahihiya at mapapagod na humingi ng tawad sa Hong Kong government kung kinakailangan para sa kapakanan ng maraming Overseas Filipino Worker (OFWs).
Sa kanyang pag-alis kahapon ng umaga, sinabi ni Estrada na mas prayoridad niya na maibalik ng HK ang visa-free access sa mga official at diplomatic passport holder sa bansa.
Bukod pa ito sa pangambang hindi na i-extend pa ang mga working visa ng mga OFW’s doon.
Kahapon ay lumipad na patungong Hong Kong si Estrada kasama si Manila 3rd District Councilor Bernardito Ang para personal na humingi ng tawad sa kaanak ng mga biktima ng 2010 bus hostage tragedy.
“I’m trying my best to apologize to them for that unfortunate incident, even it was not during my term as Mayor of Manila, I am apologizing because it happened in Manila,†ani Estrada.
Umaasa ang contingent na makakakuha sila ng appointment sa Chief Executive ng Hong Kong.
Bukod sa paghingi ng tawad, sinabi pa ni Erap na may alok din silang kompensasyon para sa mga biktima.
Tiwala si Estrada na maisasakatuparan nila ang usapin dahil maraming tutulong sa kanila bagama’t hindi nito dinitalye kung magkano ang kanyang dalang pera para sa sinasabing compensation.
Bukod kay Estrada, biyaheng HK din sina Secretary to the Cabinet Jose Rene Almendras at Philippine National Police (PNP) Director General Alan Purisima. Ngayon aalis si Purisima pa-HK habang hindi tiyak kung kailan aalis si Almendras. Sinabi ng dating pangulo na magkikita na lamang sila roon.
Nilinaw nito na hindi siya inutusan ni Pangulong Noynoy Aquino na gawin ito. Aniya, kusang loob niya ito dahil nangyari ang insidente sa Maynila na kasalukuyan niyang pinaglilingkuran.
Una nang nanindigan si PNoy na hindi siya hihingi ng tawad sa Hong Kong.