MANILA, Philippines - Tinatayang nasa sampung pasahero ang sugatan matapos na biglaang magpreno ang tatlong train ng Metro Rail Transit (MRT) sa magkakaibang istasyon kahapon ng umaga sa Makati City.
Habang sinusulat ang balitang ito ay inaalam pa ang pangalan ng mga biktima na isinugod sa Makati Medical Center.
Sa report na natanggap ni Al Vitangcol, General Manager ng MRT, naganap ang insidente alas-11:35 ng umaga.
Napag-alaman na malapit na sa Ayala Station Southbound ang nasabing train nang biglang magkaproblema ang braking system nito kaya’t ang train mula sa Ayala Station, Magallanes Station at Pasay-Taft Station ay nagkaroon ng sabay-sabay na biglaang paghinto.
Nabatid, na sugatan ang limang pasahero mula Ayala Station, apat naman mula sa Magallanes Station at sugatan din ang isang pasahero na mula ng Pasay-Taft Station.
Pawang napilayan at nagtamo ng bugbog ang mga biktima dahil sa nagkabanggaan ang mga pasahero sanhi ng lakas ng impact nang pagkakapreno ng train.
Dahil dito matinding abala naman ang idinulot nito sa mga pasahero mula sa North Avenue hanggang Gil Puyat Avenue, Makati Station kung saan naging mahaba ang pila.
Samantala, sinabi ni Transportation Secretary Emilio Abaya na masyado na umanong bugbog ang mga tren ng Metro Rail Transit (MRT-3) kung kaya’t madalas itong masira at magkaaberya sa mga nakalipas na araw.
Ayon kay Abaya, ang orihinal na kapasidad lamang ng MRT ay 350,000 pasahero bawat araw, gayunman, napipilitan itong mag-accommodate ng 560,000 comÂmuters araw-araw.
Nilinaw naman ni Abaya na sa kabila nang maraming pasahero ang sumasakay sa MRT-3 ay hindi ito kumikita mula sa operasyon ng tren at sa halip ay patuloy pang tumataas ang gastos nito.
Nakatakda nang bumili ang Department of Transportation and Communications (DOTC) ng 48 bagong bagon na nagkakahalaga ng P3.8 bilyon at ang sample train coaches ay inaasahang darating sa bansa sa 2015.