MANILA, Philippines - Muli na namang umatake ang miyembro ng ‘Gapos gang’ sa bahay ng isang negosyante sa lungsod Quezon kung saan nakatangay ng halos 2 milyong halaga ng cash at gamit, sinabi sa ulat kahapon.
Ayon kay Supt. Limuel Obon, hepe ng Quezon City Police Station 10, ang biktima ng mga suspek ay ang bahay ng isang Jesus Ver na matatagpuan sa Brgy. Immaculate Concepcion, sa lungsod.
Sabi ni Obon, apat hanggang walong kalalakihan ang sangkot sa nasabing panloloob na naganap alas-7 ng umaga.
Gumamit umano ang mga suspek ng dalawang motorsiklo at isang Toyota Sedan na may plakang PBZ-658.
Dagdag ni Obon, nagawang mapasok ang bahay ng mga Ver nang buksan ng teenager nitong anak ang gate ng kanilang bahay para pumasok sa paaralan. Mula rito ay biglang sumulpot ang dalawa sa mga suspek, kasunod ang iba pang suspek. Nang makapasok, agad na iginapos ang may 10 pang miyembro ng pamilya, kabilang ang dalawang kasambahay, saka tuluyang nilimas ang mga gamit sa cabinet at tinangay ang mga laman nito.
Kabilang sa natangay ng mga suspek ang ilang pirasong alahas, mga relo, isang kalibre 38 colt revolver, mga cellular phone at mga gadget at cash na umaabot sa P135,000.
Matapos makuha ang pakay ay saka mabilis na sumakay ang mga suspek sa kanilang get away na motorsiklo na naghihintay sa labas at tumakas.