3 miyembro ng robbery/extortion gang tiklo
MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng robbery extortion gang na responsable sa pangingikil ng P1.5 milyon sa isang manager ng bangko ang nasakote ng PNP Anti –Cyber Crime Group (PNP-ACG) sa isinagawang magkakahiwalay na entrapment operation sa Binondo, Manila at Pasig City, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni PNP-ACG Director P/Sr. Supt. Gilbert Sosa ang mga nasakoteng suspect na sina Michelle Romero, mag-asawang sina Vilden Hinayon at Jenny Cartagena.
Sinabi ni Sosa na unang naaresto si Romero habang nasa banko at nagde-deposito ng pera kamakalawa dakong alas-12:30 ng tanghali at dakong alas-2 naman ng hapon ng sumunod na madakip ang kasabwat nito na si Vilden Hinayon.
Ikinanta naman ni Hinayon na sangkot rin ang kaniyang misis na si Jenny Cartagen sa kanilang modus operandi kaya’t nadakip rin ito sa follow-up operations. Bago ang operasyon ay inireklamo ng nagpatago sa pangalang Rowena, manager ng isang sikat na banko ang mga suspect na umano’y nananakot at nangingikil sa kaniya.
Sa pahayag ni Rowena sa pulisya , nag-text umano sa kaniya ang mga suspect na pinagbabantaan ang kanyang buhay kung saan ay may mangyayari umanong masama sa kaniya kapag hindi nagbigay ng P 1.5 milyon. Agad namang nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad at nasakote ang mga suspect.
Narekober mula sa mga suspect ang ang ibat ibang klase ng mobile phones at Nokia Express Music.
Kasalukuyan na ngayong humihimas ng rehas na bakal sa PNP-ACG Headquarters sa Camp Crame ang mga suspect habang inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga ito.
- Latest