Nasabat sa QC Kelot timbog sa P30-M shabu

Ang suspect na si Muhammad Salih matapos na maaresto sa isinagawang buy-bust operation­ ng PDEA sa lungsod Quezon kung saan nasamsaman ito ng may limang kilo ng shabu. (Kuha ni Boy Santos)

MANILA, Philippines - Arestado ang isang lalaki makaraang makuhanan ng tinatayang aabot sa limang kilo ng shabu sa ginawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.

Sa inisyal na ulat ng PDEA, nakilala ang suspek na si Muhammad Salih, residente ng Brgy. Bahay Toro sa  lungsod.

Ayon kay Atty. Jacquelyn de Guzman, ng PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR), nakuha sa suspek ang mga bugkos ng shabu na nakalagay sa isang bag at tinatayang nasa limang kilo.

Isinagawa  ang buy-bust operasyon malapit sa isang sa parking lot ng isang supermarket sa kanto ng Pangilinan St., Congressional Avenue, ganap na ala-1:30 ng hapon.

Bago ito, nakipagtransaksyon umano ang PDEA sa suspek hingil sa pagbili nila ng 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P200,000 para sa 100 grams ng shabu. Dito ay nagkasundo ang operatiba at suspek na magpalitan ng items sa nasabing lugar. Isang poseur-buyer ng PDEA ang nagkunwaring  bibili ng droga. Dumating ang suspek sakay ng kanyang isang Montero Sport na may conduction sticker na BZ-0089 kung saan nang iabot ng suspek sa poseur buyer ang supot ng droga ay saka ito dinampot ng iba pang operatiba.

Nang halughugin ng tropa ang sasakyan ay saka natuklasan ang iba pang supot na droga na may kabuuang limang kilo na nagkakahalaga ng P30 milyon.

Patuloy ang imbestigas­yon ng PDEA sa nasabing suspek upang matukoy ang mga kasabwat nito sa iligal na transaksyon.

Show comments