Bus nagliyab, 5 establisimyento nasunog
MANILA, Philippines - Nasunog ang limang establisimyento matapos tumbukin ng nagliliyab na bus na ipinarada upang kumpunihin sa Commonwealth Avenue sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni FO2 Jovelyn Panganiban, ng Bureau of Fire Protection, naramdaman ng tsuper ng Fermina Bus (TXK-880) na nagloloko ang makina ng sasakyan kung kaya’t ipinara sa tabi bago pinababa ang mga pasahero sa Commonwealth Avenue dakong alas-10 ng gabi.
Habang kinukumpini ng mekaniko, bigla umanong nagliyab ang bus at umatras dahil walang kalso ang gulong bago nagdiretso sa mga tindahan ng mga drum at printing press sa nasabi ring lugar.
Hindi agad naapula ang pagliliyab ng bus kung kaya’t naÂdamay ang mga tindahan na naatrasan nito. Naapula ang apoy makalipas ang kulang isang oras.
Walang naiulat na nasaktan sa insidente subalit hindi na mahagilap ang tsuper ng nagliyab na sasakyan.
Aabot sa P5 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian dulot ng pagliliyab ng Fermina Bus na sinasabing sister company ng Don Mariano Transit.
- Latest