Parak ‘tinalo’ ng akyat-bahay

MANILA, Philippines - Nalimas ang salapi at mga gamit ng isang pulis matapos na mabiktima ng akyat-bahay gang  sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Ang biktima ay nakilalang si PO3 Dexter Baloran, 32, nakatalaga sa Aviation Security Group, at residente sa Goldenshower St., Brgy. Payatas.

Natangay sa kanya ang isang Pietro Berreta 9 mm pistol, isang Samsung galaxy cellphone P5,000, isang Samsung galaxy S4 P8,000, at P8,000 cash.

Si Baloran ay umalis ng kanyang bahay kasama ang live-in partner nang mangyari ang pagnanakaw, ganap na alas-9 ng gabi.

Nang bumaik na ang dalawa ganap na alas-6 ng umaga ay nakita na lang nilang sira na ang jalousie ng bintana.

Agad na naalarma si Baloran, lalo na nang makita na nagkalat ang gamit sa loob  ng bahay hanggang sa malaman nitong nawawala na ang nasabing mga gamit.

Show comments