Kelot inutas habang nag-iigib

MANILA, Philippines - Todas sa pamamaril ang isang 35-anyos na driver nang pagbabarilin  ng ilang kalalakihan, habang nag-iigib ng tubig  sa Baseco, Port Area, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Ang  biktima ay kinilalang si Muhammadali Ampatuan, residente ng Block 22,  Baseco Compound Port Area, Maynila na nagtamo   ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kilala lamang sa mga alyas na “Budtong”, “Wax” at isa pang hindi kilalang lalaki ang mga suspect na pawang armado  ng baril.

Sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-7:00 ng gabi nitong Biyernes   nang maganap ang insidente sa   Block 22, Lot 1, New Site, Baseco  Compound  habang kasama ng biktima ang ka­patid na babae na  mag-iigib ng tubig nang bilang lumutang ang mga suspect at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima.

“Sugatan  na yong biktima nakatakbo pa siya pero hinabol ng mga suspet at nakorner siya kaya pinaputukan ulit, “ ani San pedro..

Sa pagresponde ng Baseco Police Community Precinct nakipagputukan pa ang mga suspect su­balit nakatakas sa gitna ng habulan.

Narekober sa lugar na pinangyarihan ng krimen  ang isang 9mm baril na hinihinalang naiwan ng mga suspects.

Blangko pa ang pulisya sa motibo sa isinagawang pagpaslang sa biktima.

 

Show comments