MANILA, Philippines - Apat sa mga kapamilya ng mga nasaÂwing pasahero ng Don Mariano Transit ang nagsampa na ng kasong sibil sa pamunuan ng naturang bus company kahapon makaraan ang malagim na pagbagsak ng isa nilang bus sa itaas ng Skyway sa Parañaque City.
Ayon sa PNP-Highway Patrol Group, sinampahan na kahapon ang mga incorporators ng Don Mariano Bus Transit na binubuo ng pamilya ng isang Melissa Lim sa opisina ni Parañaque 2nd Asst. City Prosecutor Napoleon Ramolete.
Samantala, dumipensa naman ang HPG sa akusasyon ng ilang mga kaanak ng mga nasawi na pinag-interesan nila ang gamit ng mga biktima.
Sinabi ni SPO2 Maria Isidra Dumlao, itinurn-over lamang sa kanila ng Skyway ang mga gamit na kanilang hawak tulad ng cellphones, bags, pitaka at mga relo.
May kaangkop umanong listahan ang mga gamit na ipinasa sa kanila ng Skyway na maaaring berepikahin sa kanila ng mga kaanak.
Isa sa mga galit na galit na kaanak ay si Edralyn Castor, kapamilya ng nasawing si Joey Esponilla, makaraang mawala umano ang gamit na bag, relo at malaking halaga ng pera na dala ng biktima nang maganap ang trahedya.
Sinabi naman ni Dumlao na masakit sa kanila ang pagbintangan na tumangay sa gamit ng mga nasawi. Binanggit pa ng PNP-HPG na maraming umuusyoso sa nangyaring aksidente, umakyat sa nasirang bus at posibleng ang mga ito ang kumuha ng mga nawawalang gamit habang hindi pa nakokordon ang lugar ng krimen.