Brgy. tanod itinumba sa Tondo

MANILA, Philippines - Patraydor na binaril sa ulo ang isang barangay tanod habang naglalakad na agad nitong ikinamatay sa Tondo, Maynila, kahapon ng hapon.

Ang biktima ay kinilalang si Rodrigo Leuterio, 45, ng Tondo, Maynila at tanod sa Brgy. 30, Zone 2, District 2. Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng tumakas na suspect na inilarawan sa edad na 35-40, nakasuot ng gray t-shirt at maong na short pants.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas- 3:15 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa panulukan ng Road 10 at Zaragosa St., Tondo matapos umanong magkasabay na kumain ang biktima at misis nito sa isang karinderya.

Matapos kumain ay nauna nang umalis ang biktima at habang naglalakad  ay sumulpot naman sa kanyang likuran ang gunman at binaril ito sa ulo. Mabilis na tumakas ang suspect matapos ang isinagawang krimen.

Samantala, blangko pa ang pulisya sa motibo at kung sino ang posibleng bumaril sa biktima, habang masusi pang iniimbestigahan ang insidente.

Show comments