Holdaper bulagta sa shootout

MANILA, Philippines - Bulagta nang makipagbarilan sa mga miyembro ng Manila Police District (MPD) ang isa sa dalawang hinihinalang holdaper na tandem sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Nagtamo ng tatlong tama ng bala sa dibdib at braso ang nasawi  na inaalam pa ang pagkilanlan. Inilarawan lamang ito sa edad 30-35, kayumanggi. Nakasuot ng  tsinelas, puting t-shirt at gray na short.

Sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa tapat ng Vasquez St., Malate.

Nabatid na ang grupo ng MPD-Station 5 ay rumesponde sa tawag sa telepono hinggil sa presensiya ng riding in tandem na paikut-ikot sa lugar, walang plaka ang motorsiklo , kahina-hinala ang kilos na parang may inaabangan.

Nang dumating sa lugar ang mga pulis ay namataan nila ang da­lawa na agad na pinaputukan ang mga awtoridad.

Gumanti umano ng putok ang mga pulis hanggang sa bumagsak mula sa motorsiklo ang isa, habang humarurot papatakas ang kasamahan nito.

Show comments