Army reservist dedo sa tandem, suspects dedo sa pulis

MANILA, Philippines - Isang Army reser­vist ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem sa Pasig City kahapon ng umaga at sa pagtugis sa dalawang suspek ay napatay din ang mga ito ng mga awtoridad.

Kinilala ni Pasig City police chief, Sr. Supt. Mario Rariza ang biktima na si Ignacio Mejai, 45. Habang ang dalawang napatay na suspek ay sina Abdulkadir Dipatuan at Mohalidin Sli Ebrahim.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na pinagbabaril ng dalawang napatay na suspek ang biktima sa Pinagbuhatan Pasig City, ganap na alas-9:40 ng umaga.

Agad naman naitawag sa himpilan ng pulisya ang ginawang pagbaril at pagpatay ng mga suspek sa biktima kaya mabilis nilang tinugis ang mga suspek hanggang sa abutan sa C-6 Road sa boundary ng Pasig at Taytay Rizal.

Tinangkang pasukuin ng mga humahabol na awtoridad ang dalawang suspek pero sa halip na sumuko ay nakipagbarilan ang mga ito hanggang sa sila ay makorner at mapatay.

Nabawi sa mga suspek ang dalawang ka­libre .45 baril na kanilang ginamit sa pagpatay sa biktima.

Inaalam ngayon ng pulisya ang motibo ng ginawang pamamaril ng dalawang suspek sa biktima.

Show comments