Motorcades at caravans ng mga kandidato, kokontrolin ng MMDA

MANILA, Philippines - Kokontrolin at lilimitahan na ng Metropo­litan Manila Development Authority (MMDA) ang paggamit ng mga kandidato sa darating na barangay elections sa Oktubre 28 sa mga panguna­ hing kalsada sa kanilang motorcades at mga caravans upang hindi makadagdag sa matin­ding pagbubuhol ng da­loy ng trapiko.

Ito ay makaraang ap­rubahan ng Commission on Elections ang petisyon na isinumite ng MMDA.

Ipinasa ng Comelec en banc ang Resolution Number 9749 na muling binubuhay ang unang ipinasang Resolution 9666 na nagbibigay ng awto­ridad sa MMDA para sa pamamahala sa mga pangunahing lansa­ngan tulad noong nakaraang mid-term elections nitong nakalipas na Abril.

Nilinaw ng MMDA na hindi nila ipinagbabawal ang pagsasagawa ng anumang election campaign activity sa mga pa­­ngunahing kalsada ngunit nais nila itong li­mitahan o kontrolin para na rin sa maayos na daloy ng trapiko.

Kabilang sa tinukoy na pangunahing kal­sada ay ang EDSA, C-5, Quezon Avenue, Marcos Highway, Commonwealth Avenue, Es­paña Boulevard, E. Rod­riguez Sr. Avenue, Ramon Magsaysay Ave­nue, President Quirino Avenue, Aurora Boule­vard, Ortigas Avenue, Shaw Boulevard, MIA Road, Domestic Road, Andrews Avenue, South Super Highway, Taft Ave­ nue, Roxas Boulevard, Araneta Avenue, AH. Lacson Street, Rizal Avenue, Katipunan Ave­nue, at  A. Bonifacio Ave­nue.

Ayon sa MMDA, ang pagkakaroon lamang ng hindi organisadong motorcade o caravan sa nabanggit na mga kalsada ay agad na magdudulot ng pagbu­buhol ng trapiko kung saan apektado rin ang iba pang mga kalsada.

Show comments